Madalas, kapag nasasaktan tayo, ayaw na
nating magpatuloy.
Gusto nalang nating mawala ng biglaan.
Sa bawat paggising sa umaga parang
hinihiling mo na sana hindi ka nalang nagising.
Nasanay ka ng basa ang iyong unan
paggising at pagtulog.
Alam kong masyadong masakit ang
pinagdaraanan mo.
Yung mga bagay na lagi nyong ginagawa,
ikaw nalang ang gagawa.
Sa bawat lugar na mapupuntahan mo, sya
lagi ang naalala.
Sa apat na sulok ng kwarto, mga ngiti
nya ang iyong nakikita.
Sa pagsuklay ng iyong buhok, hinihiling na
sana kamay nya ang humahaplos.
Sa pagdampi ng hangin sa iyong pisngi,
hiling mo sana ito’y kanyang labi.
Mahirap.
Mahirap dahil sa tagal na panahon na
kayo’y magkasama, di mo na makita ang sarili mong wala sya.
Mahirap dahil basang unan nalang ang ‘yong
iiyakan. Hindi na ang kanyang balikat at braso.
Masakit.
Masakit isipin na ang lahat ay hanggang
alaala nalang.
Masakit tanggapin na ang pangarap na
sabay dapat tutuparin ay ikaw na lamang. O sya.
Walang katapusang pagtulo ng luha,
pagmumukmok at pagkadurog.
Tinatanong kung “bakit kelangan pagdaanan ko ito?”
bakit kelangan maramdaman ko ito?
Ngunit,
Alam kong ang iyong mata ay pagod nang
lumuha,
ngunit sana’y hayaan mong ilabas nito ang lahat ng sakit dahil darating
ang oras na luluha ka ng dahil sa saya hindi sa sakit.
Alam kong rindi kana sa mga iyak mo,
ngunit sana’y marinig mo ang tinig ng pagbangon.
Alam kong malabo na ang iyong paningin
dahil sa iyong pag iyak ,
ngunit sana’y makita mo ang ganda ng mundo na puno ng
pagmamahal.
Alam kong manhid na ang iyong
pakiramdam,
ngunit sana’y madama mo ang haplos ng hangin at yakap ng mga taong
nagmamahal sayo,
Naghihintay sayo.
Alam kong ayaw mo ng tumayo ni ayaw nang
lumakad,
nguni’t sana’y hayaan mong samahan ka namin sa iyong paglalakbay.
Alam kong sa bawat paglubog ng araw,
iniisip mong katapusan na,
ngunit alalahanin mong may bukang-liwayway pang
kasunod nito.
Hindi pa huli ang lahat para bumangon, para magsimulang muli.
Alam kong pagod kana, pero wag kang susuko.
Magpahinga ka at magpatuloy.
- K
Related Article: Move on: It's Painful but it's Right!